Sa pamamagitan ni Kasamang Mel Coronel ng RMN General Santos ay lumapit ang pamilya ni Melly Umboy upang humingi ng saklolo kaugnay sa kalagayan ng kanyang anak na nasa Kuwait.
Ayon kay Mel, noong nakaraang buwan pa nila huling naka-usap si Ginalyn at humihingi na ito ng tulong para maka-uwi siya ng bansa
Nangangamba na rin ang ina ni Ginalyn na baka patay na ang anak ngunit umaasa pa rin silang makaka-uwi ito ng ligtas.
Nabatid rin na nagawa nang lumapit sa Department of Foreign Affairs (DFA) ng kanilang pamilya ngunit hindi rin nagawan ng aksyon.
Matatandaang naka-alis ng bansa si Ginalyn noong ika-17 ng Nobyembre taong 2010 ngunit nagmamaka-awa na itong umuwi ng Pilipinas dahil sa pagmamalupit ng kanyang amo.
Bunga nito ay nakapanayam naman ng programang Bantay OFW ang kapatid ni Ginalyn na si Lina Umboy at inilahad ang tunay na kalagayan ng kanyang kapatid.
Bilang pagtugon ng programang Bantay OFW ay nangako itong makikipag-ugnayan sa embahada maging sa kanyang employer at agency sa oras na makuha ng pamilya ang mga papeles na mayroong kaugnayan sa pagtatrabaho ni Ginalyn sa nasabing bansa.