NAKASAGUPA ng militar ang 4 na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group kaninang bago mag-alas-10:00 ng umaga sa Brgy. Landang Laum sa lungsod ng Zamboanga.
Ayon kay Task Force Zamboanga Commander Col. Buenaventura Pascual, diumano’y grupo ng Pingli brothers ang kanilang nakasagupa kanina.
Kilalang mga kilabot na mga kidnapper sa nasabing lugar ang Pingli brothers kung saan ito rin ang pasimuno sa panginigdnap sa tatlong guro noong taon 2009 sa nasabi pa ring lugar.
Wala namang naiulat na nasugatan sa nasabing bakbakan na umabot din ng ilang minuto.
Agad namang tumakbo ang mga suspek subalit naiwan at na-recover naman ng militar ang mga gamit nitong pampasabog gaya ng ammonium nitrate, blasting caps, 9 volt battery, electrical wires at maging ang kanilang bangka.
Hindi rin matiyak ng militar kung ang nakumpiskang mga pampasabog ay balak bang itanim sa lungsod ng Zamboanga o dadalhin sa karatig probinsya.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang paghahanap ng mga militar laban sa mga suspek dahil ayon sa mga ito, hindi pa nakakalayo ang mga suspek.