NANINDIGAN si Education Secretary Armin Luistro na hindi nakakalimutan ng ahensya ang kakulangan sa guro, silid-aralan, libro, upuan, at iba pang kagamitan na pipilitin nilang punan at pagkasyahin sa ibibigay na budget sa kanila ng pamahalaan.
Ito ay bunsod ng malaking posibilidad na matuloy na ang karagdagang dalawang taon para sa basic education sa bansa bilang pagtalima sa inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Sinabi ni Department of Education Undersecretary for Finance Francisco Varela na maglalaan sila ng P100 milyon budget para sa naturang plano.
Kasalukuyang nagdedelibirasyon na umano ang mga opisyales ng DepEd para sa halaga na hihilingin nila sa Department of Budget and Management (DBM) makaraang ihayag ni P-Noy na may pondo na para makasunod ang bansa sa inernational standards na 12 years of basic education.
Sinabi naman ni Luistro, na pinag-aaralan na rin nila kung saan idadagdag ang dalawang taon na pag-aaral.