NA-ALARMA ang tanggapan ng Senate Blue Ribbon Oversight Office Management makaraang tumawag ang isang Retired Technical Sergeant Charmie Palencia at nagbantang susunod sa yapak ng Luneta Grandstand hostage taker na si dating Police Senior Inspector Rolando Mendoza.
Base sa mga pahayag ni Palencia sa mga staff ng Blue Ribbon Oversight Committee gagawin niya ang krimen kapag hindi pa rin natugunan sa lalong madaling panahon ang kanyang kahilingan na maisama sa kanyang retirement benefits ang kanyang broken service mula February 1988 hanggang August 1994.
Dahil sa pangamba ay nagpadala ngayon si Blue Ribbon Director General Atty. Rodolfo Noel Quimbo ng liham kay National Defense Undersecretary Pio Batino na nagsasaad ng apela at banta ni Retired Technical Sergeant Palencia.
Ayon kay Quimbo, January ng kasalukuyang taon ng matanggap nila ang reklamo ni Palencia na agad naman nilang inindorso sa tanggapan ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales.
Mula dnd ito ay inirefer naman sa tanggapan ng Philippine Army Commanding General noong February 2010.
Pero dahil naiinip na si Palencia ay muling itong tumawag kahapon at nagbanta sa mga staff ni Atty. Quimbo na gagayahin ang naganap na hostage taking sa Luneta noong lunes kung saan walong HongKong Nationals ang nasawi.
Hinggil dyan ay ipina-blotter na ng Office of the Blue Ribbon sa Pasay-PNP ang naturang banta habang inalerto na rin ang Office of the Senate Sergeant at Arms.