(RMN-Iligan) ISA ang sugatan sa pamamaril kahapon ng hapon sa isang palengke sa Barangay Poblacion sa bayan ng Binidayan, lalawigan ng Lanao del Sur.
Ayon kay Lanao del Sur Provincial Police Office Acting Director Cosanie Derogongan, na isang grupo ng mga armadong lalaki ang nagpaulan ng bala na siyang dahilan ng pagkasugat sa kanang paa ng biktimang nakilalang si Jomar Gampong.
Aniya, unang sinita ng mga otoridad ang apat na magkakapatid na nakilalang sina Faizal, Isa, Abed at Asnawi Alizaman, mga anak na lalaki ng isang barangay chairman sa Guiarong, bayan ng Pagayawan sa naturang lalawigan, nang makitang may dala-dalang mga armas ang mga ito.
Matapos makaalitan ng mga otoridad ang apat, umalis ang mga ito ngunit nang bumalik ay kasama na ang iba pang mga armadong lalaki na siyang namaril sa lugar gamit ang kanilang iba’t ibang armas, na siyang ikinatakot ng mga sibilyan.
Nagkabarilan ng mahigit isang oras ang mga suspek laban sa kapulisan at militar sa lugar. Tatlong motorsiklo ang nakuha ng kapulisan na nasa kanilang kustodiya na ngayon.
Walang napaulat na casualty sa panig ng gobyerno habang hindi pa matukoy kung may sugatan o casualty sa grupo ng mga suspek.
Kaagad namang binuo ang Crisis Management Committee sa lugar upang ma-settle ang nangyari na kinatatakutang magiging rido o family feud.